(Maynila, Hunyo 22, 2017) – Dumadanas ang mga estudyante sa maraming lugar sa Pilipinas ng bullying at diskriminasyon sa eskuwelahan dahil sa kanilang oryentasyong sexual at identidad sa kasarian, ayon sa ulat ng Human Rights Watch na lumabas ngayong araw. Gayong may batas sa Pilipinas na nagbibigay ng proteksiyon sa diskriminasyon at pag-etsa-puwera sa mga paaralan, kailangang kumilos ng mga mambabatas at administrador ng mga eskuwelahan upang siguruhin lubos na naipapatupad ang mga ito.
Nagdodokumento ang 68-pahinang ulat na “‘Hayaan N’yo Na Lang Kami’: Diskriminasyon Laban sa Mga Estudyanteng LGBT sa Pilipinas,” ng lawak ng pang-aabuso sa mga estudyanteng lesbian, gay, bisexual, at transgender (LGBT) sa sekundaryang paaralan. Dinedetalye rito ang talamak na bullying at harassment, mga patakaran at gawing mapanghusga, at ang kawalan ng resources na sumisira sa karapatan sa edukasyon ng kabataang LGBT sa ilalim ng mga internasyonal na batas at naglalagay sa kanila sa panganib.
“Ang mga estudyanteng LGBT sa Pilipinas ay kadalasang target ng pangungutya at pati karahasan,” sabi ni Ryan Thoreson, isang fellow sa programang pangkarapatan ng LGBT sa Human Rights Watch. “At sa maraming beses, ang mga guro at administrador pa ang sumasali sa ganitong pagmamaltrato imbes na magsalita laban sa diskriminasyon at gawing lugar ang klasrum kung saan matututo ang lahat.”
Nagsagawa ang Human Rights Watch ng malalimang interbyu at diskusyon sa 98 estudyante, 46 magulang, guro, tagapayo, administrador, service providers, at eksperto sa edukasyon sa 10 siyudad sa Luzon at Visayas. Sinabi ng mga estudyanteng LGBT na di-regular o bitin sa pagpapatupad ang umiiral na proteksiyon, at nagiging daan pa ang mga patakaran at gawi sa sekundaryang paaralan sa diskriminasyon at bigo ang mga itong bigyan ang mga estudyanteng LGBT ng impormasyon at suporta.
Napansin na ng mga mambabatas sa Pilipinas na isang problema ang pambubully sa sekundaryang paaralan at gumawa na sila ng mga importanteng hakbang para tugunan ito, ayon sa Human Rights Watch. Noong 2013, nagpasa ang Kongreso ng Pilipinas ng anti-bullying law at ang Kagawaran ng Edukasyon (o DepEd) ay naglabas din ng alituntuning nagbabawal sa pambubully na ayon sa oryentasyong sexual at identidad sa kasarian. Sa kampanya sa pagkapangulo noong 2016, hayagang nangondena si Rodrigo Duterte sa bullying at diskriminasyon sa mga LGBT.
“Nagpahayag noon ang Pangulong Duterte ng pagkontra sa bullying at diskriminasyon laban sa LGBT, at dapat na gawin niya ito ulit ngayon.”
Gayunman, nagpapakita ang pananaliksik ng Human Rights Watch na nakakaranas pa rin ang mga estudyanteng LGBT ng pisikal na pambubully, pasalitang harassment, atakeng sexual, at cyberbullying sa eskuwelahan. Maraming estudyante ang hindi malay sa mga patakarang kontra-bullying o hindi alam kung saan hahanap ng tulong kapag nabu-bully sila.
“Nang nasa hay-iskul ako, itinutulak, sinusuntok nila ako,” sabi ni Carlos M., estudyanteng homoseksuwal sa Olongapo City. “Kapag lalabas ako ng iskul, susundan nila ako [at] itutulak, tatawaging ‘bakla,’ ‘bading,’ mga gano’n.” (Binago ang mga pangalan ng estudyante na binanggit sa ulat na ito para na rin sa kanilang proteksiyon.)
Ang dahas na kinakaharap ng mga estudyante sa eskuwelahan ay madalas na pinapalubha ng mapaghusgang patakaran at gawi, sabi ng Human Rights Watch. Nagpapataw ang mga eskwelahan sa Pilipinas ng makakasariang uniporme at akmang haba ng buhok nang walang pinipili sa mga estudyanteng hindi kumikilala sa kasariang kinapanganakan nila. Nagiging sanhi ng kaasiwaan o di-pagtanggap sa eskuwelahan ang ganitong mahigpit na pataw sa mga estudyanteng LGBT, na paaalisin pa ng mga guard, mapapaliban tuloy ng klase o tuluyan nang magda-drop out.
“Ang kabiguang maipasa ang kontra-diskriminasyong batas ay naglalagay sa kabataang LGBT sa peligro ng diskriminasyon at karahasan,” sabi ni Meggan Evangelista ng LAGABLAB Network. “Kung seryoso ang mga mambabatas na gawing ligtas ang mga eskuwelahan sa lahat ng estudyante, dapat na tigilan na nila ang pag-aantala at ipasa na sa lalong madaling panahon ang mga proteksiyon kontra-diskriminasyon.”
Ang mga estudyanteng naha-harass at manghingi ng tulong ay nahahadlangan ng kakulangan sa impormasyon at resources kaugnay ng kabataang LGBT sa sekundaryang paaralan. Ang mga isyung LGBT ay madalang na pinag-uusapan sa kurikula ng eskuwelahan—at kung nangyayari nga ito, madalas na negatibo o mapangbalewala ang mga komento ng mga guro tungkol sa mga estudyanteng LGBT, kasama dito ang pagtuturo sa mga estudyante na ang pagiging LGBT ay makasalanan o di-natural.
“Sabi nila, ang mga bakla ang sentro ng HIV,” ayon kay Jonas E., 17-anyos na homoseksuwal sa isang hay-iskul sa Mandaue City. “Medyo nahihiya ako dahil diyan, dahil nasa seksiyon ako noon na ako lang ang bakla at lagi nila akong itinuturo.” Halos walang estudyanteng nakapanayam ang nakatanggap ng edukasyon tungkol sa seksuwalidad na isinasama ang LGBT kaya naiiwan silang hindi handa para sa pakikipagrelasyon at para mapanatili ang sarili nilang ligtas.
Napakakaunti ng mga estudyanteng may akses sa mga guro o tagapayong nahasang sumuporta sa kabataang LGBT habang lumalaki sila at nagdedevelop. Habang ang mga grupo ng estudyanteng LGBT sa mga unibersidad ay tagumpay sa pagbibigay ng edukasyon sa kapuwa nila, kaunti lang ang ganito sa sekundaryang paaralan.
Ang mga awtoridad sa bawat antas ng gobyerno ay dapat na gumawa ng hakbang para maitaguyod ang pagiging ligtas, pagkapantay ng turing, at pagkakaroon ng akses sa edukasyon para sa mga estudyante, sabi ng Human Rights Watch. Ang Kagawaran ng Edukasyon ay dapat mag-sarbey sa mga eskuwelahan para masigurong ang mga proteksiyong kontra-bullying ay maipapatupad nang lubos, magsanay ng mga guro na tumutugon sa pangangailangan ng mga estudyanteng LGBT, maisasama ang mga isyung LGBT sa modyul sa kurikulum, at maipalaganap ang mga patakarang nagbabawal ng diskriminasyon sa mga eskuwelahan. Sa mismong paaralan, ang mga administrador ay dapat na pagtibayin ang mga patakaran laban sa bullying at diskriminasyon upang masigurong ligtas at nairerespeto ang kabataang LGBT.
“Ang pagbabawal ng bullying ng kabataang LGBT ay nagiging importanteng unang hakbang,” sabi ni Thoreson. “Ngayon ang mga mambabatas at administrador ng paaralan ay dapat kumilos upang ang mga proteksiyong ito ay mangyaring maging makabuluhan at nagtataguyod ng respeto sa kabataang LGBT sa kabuuan ng sistemang ng edukasyon sa Pilipinas.”