(Manila) – Nananatiling pinakamalalang suliranin sa karapatang pantao noong 2019 ang mapamaslang na “giyera kontra droga” ng gobyerno ng Pilipinas, ayon sa Human Rights Watch sa paglabas ng World Report 2020 ngayong araw. Nasasangkot rin ang security forces sa mapamuksang pag-atake sa mga aktibista.
“Sa apat na taon ng ‘giyera kontra droga,’ nananatili itong kasimbrutal sa simula ng kampanya ni Pangulong Duterte. Palagiang may pinapaslang na drug suspect sa buong bansa,” sabi ni Phil Robertson, deputy Asia director sa Human Rights Watch. “Sa apat na taon ng ‘giyera kontra droga,’ higit pang kailangan ang mga internasyonal na mekanismo (international mechanisms) na magpapanagot sa dapat managot.”
Sa 652-pahinang World Report 2020, sa ika-30 edisyon nito, nirebyu ng Human Rights Watch ang mga ginagawa kaugnay ng pangkarapatang pantao sa halos 100 bansa. Sa panimulang sanaysay ni Executive Director Kenneth Roth, sinabi niyang ang gobyerno ng Tsina ang may pinakamasamang paglabag sa karapatang pantao sa buong mundo. Dahil sa panunupil kaya sila nakakapanatili sa kapangyarihan. Natuklasan niya na ang ginagawa ng Beijing ay nakahihimok at sinusuportahan ng mga awtokratikong populista sa buong mundo, habang gumagamit ang mga awtoridad ng Tsina ng impluwensiya sa ekonomiya para pigilan ang kritisismo ng ibang pamahalaan. Dapat na tutulan itong mga paglabag, na nagbabanta sa deka-dekadang pagsulong sa karapatang pantao at sa ating kinabukasan.
Nagbigay ng pag-asa ang pagkakatalaga kay Bise-Presidente Leni Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee Against Drugs (ICAD) na baka mabawasan ang karahasan ng kampanya. Pero pinatalsik ni Duterte si Robredo ilang araw lang ang lumipas.
Iniulat ng Philippine National Police noong Hulyo na higit 5,500 tao ang napaslang ng mga puwersa nila sa drug raids. Tinutulan naman ito ng mga lokal na grupong pangkarapatan, pati na ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights. Anila, maaaring lampas sa 27,000 ang bilang ng namatay. Bukod sa sikat na kaso ng pamamaslang noong Agosto 2017, wala nang iba pa ang nahatulan sa kahit anong “drug war” killings. Patuloy ang pagdepensa ni Duterte sa giyera kontra droga at nangakong poprotektahan ang mga alagad ng batas na nakapaslang sa mga ganitong operasyon.
Iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency noong Disyembre 2019 na 5,552 ang napaslang ng puwersa nila mula Hulyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 30, 2019. Hindi pa natutuldukan ang preliminary examination ng International Criminal Court (ICC) na sinimulan noong Pebrero 2018. Isang resolusyon ang inilabas ng UN Human Rights Council (UNHRC) noong Hulyo 2019 tungkol sa Pilipinas ang nagtatakda sa UN human rights office nito na magbigay ng ulat sa Hunyo 2020.
Noong 2019 daglian ang pagdami ng kadalasang mapamuksang atake sa mga maka-kaliwang aktibista, kasama dito ang mga lider ng anakpawis, mga tagapagtanggol ng kalikasan, mga katutubong lider at mga relihiyoso na anila’y konektado sa komunistang New People’s Army (NPA). Tumaas ang bilang ng insidente ng karahasan partikular sa isla ng Negros, kung saan pinaslang ng umano ay state security forces ang mga pesante, ang kanilang mga lider, at environmentalists.
Naharap ang mga grupong makakaliwa sa police raids na nagresulta sa di-makatarungan o arbitraryong pang-aaresto at detensiyon. Ayon sa kanila, nagpa-planta ng mga armas at iba pang “ebidensiya” ang mga pulis upang pangatwiranan ang mga raid at pang-aaresto. Madalas na tinatawag ng gobyerno at militar itong mga grupo at indibidwal na komunistang rebelde o sympathizers, isang praktis na mas kilala sa tawag na “red tagging.” May ilang peryodista rin ang naharap sa ganitong pang-aatakeng politikal.
Katulad sa kampanya kontra-droga, halos walang ginagawa ang administrasyong Duterte para imbestigahan at usigin ang mga responsable sa mga atakeng udyok ng politika laban sa mga aktibista. Sa halip, waring hinihikayat pa ito ni Duterte, tulad na lang noong Agosto nang hinimok niya ang militar na “magpatupad ng mas mabagsik na hakbang” laban sa insurhensiya.
“Nakalulungkot na walang senyales na ititigil ni Duterte ang pagpatay kaugnay ng ‘giyera kontra droga’ o ihihinto ang mga atake laban sa mga aktibista,” sabi ni Robertson. “Dahil dito lalong importante na gawin ng mga institusyon tulad ng International Criminal Court at UN Human Rights Council na mapanagot si Duterte at iba pang nakatataas na opisyal sa kanilang mga pang-aabuso.”